Oopss!!sandali, bago mo basahin ang nasa ibaba:
The story below is just a product of the author’s wild imagination and fears (some of them). The author has no intention to humiliate or to insult someone, that’s why I only wrote their first names for their protection. The names I included below are my friends, therefore, they know me. I even did not mention any place where the story happened to be safe. Sa mga Jamante, gawa gawa ko lang ito. I hope you like it and you may print it for your own purpose. Basta, ang mga nakasulat na tao dito ay pawang characters lang, walang personalan.
About the story:
Ang kuwentong ito ay nagawa ko dahil na rin sa pagka-miss ko sa aking mga high school classmates. Ito ay parang batch prophecy kung tatawagin ng iba. But then, I realized na, bakit puro positive side ang nakikita sa batch prophecy? Alam naman nating hindi lahat ng ka-batch mo nung high school eh magiging successful. Ngayon, sabihin nating, parang ito yung other side of the story.
TINTA
Maaga akong umalis nung araw na yun. Alas siyete pa lang, tinahak ko na nag polluted na daan. Abala ang maraming tao, nag-uunahan ang mga estudyante sa pagsakay ng jeep, nagmamadali ang mga office workers, natataranta na sina sir at mam, nagbubukas na ng puwesto ang mga small businessman at abala rin ang mga sekyu sa pagpapaalis ng mga natutulog na pulubi sa harap ng kanilang tindahan. Abala rin sa pag-uwi ang mga prostitute na kagagaling lang sa trabaho. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ako hanggang sa isang babaeng may bitbit na bata ang aking nakasakay, si Nurhaya.
“ Saan ka papunta?” tanong ko.
“ Ihahatid ko itong anak ko sa paaralan” sagot niya.
Naging full time mother na pala ito pagtapos naming grumaduate ng highschool. Nag-usap kami panandalian at inalala ang nakaraan. Hanggang sa dalawang babae pa ang sumakay, sina Imyra at Shurainna. Pareho silang papunta rin ng eskwelahan, ihahatid ang kanilang mga anak. Si Imyra apat na ang anak, siyam na taon ang panganay. Si Shurainna, tatlo ang anak at walong taon ang panganay.
Tulad ni Nurhaya, lahat sila hindi na rin naka pag-college dahil pinagkasundo sila, parental ata tawag doon. Nagkuwentuhan ulit kami, nagtawanan. Nagkuwento sila tungkol sa kanilang buhay may asawa. Lahat sila kuntento na sa kalagayang ganoon. Matapos ang ilang minuto, ay bumaba na sila at nagpaalam din kami sa isa’t isa.
Pagkatapos noon, may dalawang babae naman ang sumakay. Abala sila sa pag-uusap, ang bilis bilis ng kanilang mga bibig, nanlilibak. Doon ko nakilalang sina Molaika at Evenjelyn pala yun. Tinawag ko sila at sumigaw ang mga ito sa saya dahilan upang pagtinginan kami ng mga tao. Kinuwentuhan ako ng dalawa tungkol sa buhay nila.
Si Molaika, pagtapos ng highschool, hindi na nakapag-aral gawa ng kawalan ng pera. Si Evenjelyn, hindi na rin nakapagtapos dahil sa kakulangan ng pondo para sa pag-aaral. Mula noon ay naging full time chismosa na ang dalawa at inuubos nalang ang buong araw kaka-chika. Mabuti nalang at kahit papano ay napakinabangan ko din ang pagiging chismosa nila dahil nakuwentuhan nila ako tungkol kay Jestoni. Nasa bahay lang daw nila ito at may kumplikasyon sa bato. Nakakalungkot din naman palang isipin na sa kabila ng kanyang kabataan ay tinamaan siya ng nasabing sakit. Hinimok ako nina Molaika at Evenjelyn na dalawin siya upang kumustahin ang kanyang lagay. Hinid rin naman ako masyadong abala noon kaya nagdesisyon akong bakit hindi ko siya dalawin?
Bumaba rin ang dalawa sa jeep makalipas ang ilang minuto. Bumaba ang mga ito sa harap ng isang radio station upang bumati umano ng live. Nagpaalam ako sa kanila at saka ako bumaba rin sa tindahan ng mga prutas. Pagbaba ko, hindi sinasadyang nabangga ko ang isang bata, dahilan upang matumba ito. Nagalit ang nanay nito, sinigawan ako dahil ginasgasan ko raw ang mala-porselanang kutis ng anak nito. Sasagutin ko sana ang akala-mo-kung-sinong nanay na yun nang makita kong si Janine pala ito.
Mukha na siyang sosyal, pero dahil daw nakapag-asawa na ito ng mayaman, matanda nga lang ng kaunti sabi sa akin nila Molaika at Evenjelyn. Ang dami nitong suot na alahas. Humingi ako ng tawad sa nagawa ko sa anak niya.
”Asus, wala iyon!kalimutan mo nalang ang nangyari” sabi niya kahit halata naman sa mukha niya ang pagka-dismaya sa nagasgas na kutis ng anak.
Napa-smile nalang din ako at saka ko siya tinanong kung saan ba sila patungo ng anak niya at nakabihis ang mga ito. Sinabi niya sa akin na may photo shoot daw ang anak niya at sasamahan ito. Aba!, stage mother na pala siya. Umalis na rin sila agad dahil mahuhuli na raw sila.
Bumili nalang din ako ng prutas pagka-alis nila. Saging at mansanas ang pinili ko kasi malambot at mainam para sa isang may sakit. Nang ipapabalot ko na sana ang mga ito, nagulat ako nang malaman kong si Riclyn pala yung may-ari ng fruit stand na iyon. Isa na pala siyang tindera sa prutasan ngayon. Nagkamustahan kami at ibinida niya sa akin ang negosyo nito. Imported pa raw at first class daw ang ilan sa mga prutas niya. Natatawa ako kasi halata namang excess lang ang mga ito sa mga dapat sana’y ieexport. Hindi na kasi gaano kagaganda ang itsura’t kalidad nito. Pagtapos noon, naglakad lakad pa ako, naghahanap ng mabibili pa. Hanggang napadaan ako sa isang parlor na andaming bading na humihila ng costumers na magugupitan at kukulitin. Mga baklang pipilitin kang magparebond sa mababang halaga, ngunit pagkabukas ay mamatay naman lahat ng buhok mo.
Doon ko nakita si Lester. Pumasok na pala ito sa parlor business. Ah! Tama! Naalala ko, nasabi sa akin nila Molaika na matapos nitong aminin ang tunay na sekswalidad sa tatay niya ay tinakwil ito at ngayon ay nagsasariling sikap nalang. Hindi ko na siya tinawag dahil baka magupit nito ang tenga ng babaeng ginugupitan.
Sa unahan, nakita ko naman ang dalawang magkatabing tindahan. Nagbebenta ng make-up, pabango, damit, sapatos, bags, underwears, accessories, school supplies at pati na patayaan. Nagpapabongggahan ang dalawang tindahang ito. Pumasok ako sa nauna, naghahanap ng mabibili. Doon ko nakita si Maleya na abala sa pagkiskis ng napupudpud na nitong mga kuko at pag memake-up. Namana pala nito ang negosyo ng mama niya at pinalago pa. Nakita niya ako at tinawag. Lumapit ako at saka kami nag-uasp. Nagkuwentuhan at nagtawanan. Naikuwento niya sa akin na dahil sa hirap ng buhay ay napilitang pumunta ang mga magulang niya sa middle east para magtrabaho samantalang sa kanya na pinagkatiwala ang tindahan nila. Kaya pala “Katas ng Saudi” ang pangalan ng tindahan nila. Nasabi ko rin sa kanya ang mga nangyari sa akin kani-kanina lang. Ang mga classmates namin na nakita ko pati na kalagayan nila ngayon. Hindi na siya nagulat at sinabi pang:
“What would you expect?”, sabay tawa.
Natawa na rin ako at saka napaisip, tama nga nama siya, what would I expect?hehehe. Nagpaalam ako sa kanya at saka ako pumasok sa katabi nitong tindahan. Nakapangalan kasi ang tindahan sa isa ko pang kakilala, baka siya rin ang may-ari. Pagpasok ko, hindi nga ako nagkamali. Si Kc-lyn, ayon! Nag-aayos ng mga binebenta nitong produkto. Nagulat ito sa bigla kong pagsulpot, hinid raw niya inaasahan ang pagdalaw ko. Nagulat rin siya nang maikuwento ko ang kalagayan ni Jestoni kaya’t nagpadala siya sa akin ng isang gamot. Hindi ko maintindihan ang nakasulat kasi Chinese characters. Sinabi niya sa akin na mabisa raw iyong gamot sa may kidney complication kaya gusto niya itong ipainom kay Jestoni. Safe naman daw ito, proven na niya sa mga kamag-anak niya. Kinuha ko ito at saka ako umalis at sumakay sa jeep.
Aba! Kung sinusuwerte ka nga rin naman, mukhang makakalibre pa ako ng sakay . Nakita ko kasing si James pala ang driver ng jeep. Natuwa ito at pinalipat ako sa front seat upang makapag-usap kami. Jeepney driver na pala ito at todo kayod para sa sarili nitong pamilya. Nag-asawa na rin pala ito at may apat na anak. Masaya naman nitong ikinuwento sa akin ang buhay pamilya nito at di kakikitaan ng lungkot. Natuwa na rin ako , dahil kahit papano, handa siya ng pinasok niya ang ganoong buhay.
Pagdating sa may kanto ay bumaba na rin ako at nagpaalam sa kanya. Binigay niya sa akin ang kanyang cellphone number upang magkita kami ulit at makapag-usap ng mas matagal.
Tumuloy na ako sa bahay nila Jestoni upang kumustahin ang lagay nito. Pagdating ko sa harap ng bahay nila, nakita ko si Jestoni na nakaupo sa harap ng bintana at payat na payat sa kabila ng kabataan nito. Tanging luha lang ang nasabi ni Jestoni nang iabot ko sa kanya ang mga binili kong prutas at pinadalang gamot ni Kc. Sa kanila na ako nagpalipas ng pananghalian upang mapainom na rin sa kanya ang gamot. Tanging ngiti lang ang kaya niyang gawin nang ikuwento ko sa kanya ang mga nangyari sa akin kaninang umaga. Nakikita ko ring gustong-gusto na nitong gumaling at bumalik sa dati nitong sigla. Matapos naming kumain, ay nagpahinga muna ako sandali sa kanilang sala.
Maya-maya’y may isang babaeng sumisigaw, naglalako ng benta nitong suman, puto, pochi-pochi at iba pa. Sinilip ko sa bintana at nagulat na si Phoebe pala ito. Tinawag ko siya at saka ito napasigaw sa tuwa. Nagkamustahan kami, nagkuwentuhan at nagtawanan tulad ng lagi naming ginagawa noong highschool pa kami. Alam na rin pala nito ang tungkol kay Jestoni kung kaya’t araw-araw siyang dumaraan dito upang kumustahin ito. Nagtanong na rin ako sa kanya tungkol sa iba pa naming mga kaklase. Naikuwento niya na nagpartner sa carenderia business sina Vanessa at Jasmine. Makikita ko raw ang tindahan nila sa may bandang pantalan kung saan patok na patok ito sa masa. Masaya ako para sa kanila dahil kahit papano, nakapagnegosyo sila at nagamit ang kaunting natutunan sa HRM kahit hindi sila nakapagtapos.
Si Juliza naman, may tailoring business na kasama si Juvy. Nasa highway lang daw ito at nagtatahi ng mga blouse, pantalon, uniporme at maging gowns. Madali ko lang daw itong mahahanap kasi sikat na sikat ito sa mga estudyante. “Tailor swift” daw ang pangalan ng patahian nila. Si Bernadette naman raw, nasa Qatar, nag DH daw ito. Pero ang nakakalungkot ay illegal daw ito doon at ngayon ay TNT sa pamahalaan. Minsan na rin daw itong umuwi dahil sa abusong natanggap nito sa arabo nitong employer noon. Pero dahil sa hirap ng buhay ay napilitan itong bumalik. Iyon lang ang naikuwento niya. Hinid raw kasi niya alam kung nasaan na yung iba.
Pagkatapos nitong magkuwento ay umalis na rin ito upang ipagpatuloy ang paglalako, umalis na rin ako at nagpaalam kay Jestoni. Pagkatapos noon, ay hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Hinayaan ko nalang ang mga paa ko kung saan nila ako dadalhin. Makalipas ang ilang minutong paglalakad, pumasok nalang ako sa isang mall upang magpalamig. Pumunta ako sa may grocery section kasi mas malamig doon lalo na sa may bandang meat section. Habang tumitingin ako kung ano ang kaya kong ibulsa, nahagip ng mata ko si Belle. Isa na pala siyang saleslady sa mall. Pero ayos lang dahil hindi naman halata. Para lang siyang namimili rin sa mall. Kinumusta ko nalang siya at hindi na masyadong kinausap dahil baka mapagalitan siya. Lumabas nalang ako at tumambay sandali sa plaza.
Biglang may dumaan na convoy ng pulitiko na naging sanhi ng panandaliang traffic. Convoy pala ng mayor iyon, akala ko kung ano na. Sa isang pick-up, nakita ko naman ang isang babaeng astig na astig ang tindig at anyo. Aakalain mo ngang si agent Salt ito. Kulot ito at may hawak na malaking bag. Paglapit ng pick-up ay nakita kong si Valerie pala iyon. Sinitsitan ko siya at saka ito tumalon sa pick-up. Sumigaw ito sa saya at hinila ako papasok sa pick-up. Ito ang una naming pagkikita makalipas ang mahigit sa pitong taon. Isa na pala itong special secretary (alalay) ng mayor. Minsan kahit anu-ano rin daw ang raket nito para kumita. Lahat daw sideline lang kasi mas malaki ang kita. Nagtawanan kami sa loob ng pick-up. Para kaming bumalik sa pagkabata. Niyaya ko siyang mamasyal pero tumanggi ito dahil magagalit daw si boss. Naintindihan ko naman siya at nagpaalam nalang ako sa kanya at bumaba ako sa highway. Binigyan niya ako ng contact number niya para mayaya ko siyang mamasyal sa susunod.
Naglakad nanaman ako, kahit saan pinuntahan ko. Hanggang sa di-kalayuan ay nakita ko si Reijan. Isa na siyang security guard sa bangko ngayon.
Medyo maganda naman daw ang buhay nito at kasal na rin pala ito. May tatlo na rin daw siyang anak. Hindi ko na rin siya masyadong kinausap dahil on duty ito at baka masermonan ng amo niya. Ngunit, inihingi naman niya sa akin ng tulong si Ericka. Hindi na niya sinabi pa ang dahilan kung bakit pero ibinigay nalang niya sa akin ang address ni Ericka.
Habang naglalakad ako papunta kina Ericka, ay nakita ko si Pernie sa isang tindahan. Kasama nito ang iba pang mga nanay. Naka suot ito ng shorts at isang spaghetti strap. May suklay pang nakasabit sa buhok nito at may bitbit na bata sa tagiliran. Aliw na aliw ito sa chismisan nila ng mga amiga nito na parang armalayt ang mga bibig. Tumatalsik pa ang mga laway nito at sa tuwing tatawa ng malakas ay kitang kita ang kakulangan nito ng tatlong ngipin sa harapan. Dahil aliw na aliw ito, hindi niya napansin ang pagdaan ko. Maya-maya, may umiyak na bata sa likod. Anak pala ni Pernie, nadapa. Nilapitan niya ito at saka pinalo. Naku, kawawang bata.
Sa paglalakad-lakad ay nakita ko rin si Karla na nakikipagtalo sa isang babae. Naniningil kasi si Karla ng utang sa isang nagmamatigas na babae. Pautang na pala ngayon ang pinagkaka-abalahan ni Karla. Pero hindi na rin iyon masama,maraming umaasenso sa 5-6 dahil marami rin ang tumatangkilik. Hindi ko na siya tinawag pa dahil halatang wala ito sa mood makipagkuwentuhan.
Pagdating ko sa bahay nila Ericka, sabay naman ang paglabas ng isang lalaki sa gate nito na nagmumura. Pumasok ako agad at nakita si Ericka na umiiyak sa pinto. Nilapitan ko ito at kitang-kita ang kapayatan nito. Losyang na siya, dahil siguro sa stress na dulot ng asawa nito. Pagkakita nya sa akin ay hindi nito napigilang mapayakap at umiyak. Pinakalma ko siya, pinaupo at saka pina-inom ng tubig. Pagtapos noon ay nagkuwento ito tungkol sa buhay nito sa piling ng lalaking iyon.
Lagi daw siyang sinasaktan at inaabuso ng lalaking iyon. Hindi rin daw niya magawang magsumbog dahil bina-block mail daw siya nito at sa kabila ng mga pananakit ay mahal nya raw ito. Naging alipin siya ng bulag na pag-ibig sa lalaking iyon. Sinabi ko sa kanya na huwag nang matakot sa asawa. Sinabi ko rin sa kanya na iuuwi ko siya sa kanila upang doon na mamuhay ng maayos. Nadala naman siya sa sinabi ko kaya’t dali-dali kaming nag-impake ng mga gamit niya. Itinakas ko siya at dinala sa kanila. Pagkahatid ko sa kanya sa bahay nila ay umalis na rin ako agad upang maghanda sa gagawin ko sa gabi ring iyon. Habang naglalakad pauwi ay napadaan ako sa isang eskwelahan. Doon ko naman nakita sina Faye at Maricel na nagbebenta ng mga pagkaing hindi masustansiya sa mga bata at mga laruang wala namang kuwenta. Mukha naman silang masaya at abala sa negosyo nila kaya’t hindi ko na sila inabala pa. Alas 4:30 na kasi ng hapon at labasan na iyon ng mga bata kaya abala sila.
Nakasalubong ko rin si Sittie na sinusundo ang anak nitong pitong taon galing sa eskwela. Nag-asawa na rin pala ito at isa na ring maybahay. Nagkuwentuhan kami sandali tungkol sa buhay may asawa nito. Naikuwento rin niya sa akin na grade-one teacher na pala doon si Katarina. Kasal na rin ito at may apat na anak. Si Shareyde naman ay isa namang grade-two teacher. Natatawa nga rin siya ng ikuwento niya na nagbebenta sina mam ng yema at pulboron sa klase, at ang may pinakamaraming binili, may plus points. Saglit lang kaming nagtawanan dahil gusto nang umuwi ng anak ni Sittie dahil sa inaantok na ito. Nagpaalam na kami sa isa’t isa at tinahak ang magkahiwalay na landas.
Sa di-kalayuan ay nakita ko naman ang isang ginagawang gusali na puno ng mga hubad at pawis na mga lalaki. Isa nanaman palang tindahan ang ipinatayo ni mayor. Doon ko rin napansin na kasama pala sa mga hubad at pawisin na mga lalaking iyon sina Aldren at King. Naging construction workers na pala sila. Dumiretso na ako sa paglalakad at naparaan sa isang talipapa. Isang bata ang kumalabit sa akin na nagbebenta ng candy, sigarilyo at supot. Nakakaawa ito kaya’t binigyan ko ito ng 100. Nagpasalamat ang bata at tumakbo sa ina nitong nagbebenta ng gulay at isda sa loob ng talipapa. Si Kareen pala ang nanay ng batang iyon. Katabi nito sa puwesto si Venus na abala sa pagbugaw ng mga langaw sa mga isda. Masaya ako sa nakita ko. At least, kahit papaano ay may negosyo sila at may pinagkakakitaan.
Pagdating ko ng bahay ay nagbihis ako at pinalitan ang pawis na pawis kong damit. Naghilamos, nagsuklay at naglagay ng kaunting pabango. Pagtapos noon ay umalis rin ako agad. Paglabas ko ng bahay ay umalarm naman ang isang reminder sa aking cellphone.
“ Hah?... Ngayon pala iyon?akalain mong dalawang taon na rin pala ang nakakalipas” sabi ko sa sarili ko.
Dali-dali akong umalis upang puntahan at bisitahin ang isang matalik na kaibigan. Namili ako ng bulaklak at saka isang basket ng prutas. Pagtapos kong namili ay saka naman ako nagpatuloy sa paglalakad.
Naparaan ako sa isang strip club at nagulat sa muling pagbukas nito matapos itong ma-raid kahapon lang. Sinilip ko ang loob at nagulat ako sa mga nakita kong babaeng nagsasayaw ng nakahubad habang nagsisigaw sa kawilihan ang mga lalaking nanonood. Parang nag-shoshowdown ang dalawa. Lumapit pa ako ng kaunti at nagulat nang makilala kong sina Michelle at Siena pala ang mga babaeng iyon. Pakiramdam ko ay naparalisa ako sa aking nakita. Hindi ko inakalang papasukin nila ang pagpoprostitute. Minsan na itong nabanggit ni Michelle sa akin ngunit akala ko ay nagbibiro lamang ito. Masakit man sa puso ang nakita ko, hindi ko rin naman sila mapipigilan dahil alam kong may matinding dahilan kung bakit nila iyon nagawa at hindi ko pa sila kayang matulungan sa ngayon. Tanging dasal lang ang kaya kong ibigay sa kanila. Umalis nalang ako upang makalimutan ang nangyari. Sa unahan, nakita ko naman ang isang check-point ng mga pulis. Sinita nung isang pulis yung isang lalaking motorista dahil wala itong suot na helmet. Si Jaymar ang pulis na iyon. Napa-smile ako dahil naging alagad ng batas si Jaymar gaya ng tatay nito. Ngunit maya-maya, inabutan ng lalaki si Jaymar ng pera upang kalimutan ang lahat at paalisin sila. Tinanggap naman ito ni Jaymar at pinatakas ang lalaki. Natawa ako sa aking nakita. Kung bakit, hindi ko rin alam.
Habang naglalakad, nagsindi ako ng sigarilyo na nakuha ko sa mall kanina. Habang papalapit ako sa kinalalagyan ng isang kaibigan, napaluha ako habang inaalala ang nangyari noong nakaraang eksakto dalawang taon. Isang karumaldumal na krimen ang aming kinasangkutan . Isang krimeng habambuhay nang mananatili ang alaala sa isip ko.
Binuksan ko ang gate. Ang ingay nito, halatang matagal nang hindi nagagalaw dahil kinakalawang na rin ito. Tahimik ang lugar, parang disyerto. Alas singko na pala kaya wala na masyadong tao. Hinanap ko ang isang kahoy na palatandaan. Pagdating doon, medyo madamo narin pala ang lugar.
“Amierson, happy anniversary!”, sabi ko sabay lapag ng bulaklak sa lapida nito.
Nakasulat doon :
R.I.P
Amierson ___________,
born: February 11, 1993
died: January 20, 2017.
Doon ko rin naalala na ika-26 kaarawan ko na rin pala. Kinumusta ko siya at kinuwentuhan ng mga nangyari sa buhay ko habang wala ako sa puntod niya. Si Amierson, ang dati kong matalik na kaibigan na nagdiriwang ng kanyang second death anniversary. Eksakto dalawang taon ang nakakaraan, alas-8 ng gabi, naglalakad kami ni Amy at iniisa-isa ang mga bar . Nagbebenta kami ng shabu, marijuana, ecstacy at user rin nito. Ito ang pinili naming trabaho dahil mabilis ang dating ng pera. Umuulan pa noon, kaya sumilong muna kami sa isang saradong tindahan at kumain ng tinapay upang mabawasan ng konti ang gutom. Marami-rami na rin ang nabenta namin.
Maya-maya pa’y may humintong sasakyan sa aming harapan. Kahit na malakas ang ulan, nakilala naming ang bumaba. Si vice-mayor, isa sa mga pinakamalaking drug lord na nag-ooperate sa aming lugar. Alam na namin ang sadya niya kaya’t walang alinlangan kaming tumakbo ni Amy sa ulan upang takasan siya. Hinabol rin kami ng mga tauhan niya. Gusto kasi kaming ipaligpit ni vice-mayor dahil naapektuhan namin ang negosyo niya. Kahit small scale drug pusher lang kami, naaagawan namin siya ng costumer. Pumasok kami ni Amy sa mga eskinita upang iligaw ang mga tauhan niya at mahirapan sila sa paghabol. Hindi rin naming magawang magsumbong sa pulis dahil wanted kami. Nagpatuloy nalang kami sa pagtakbo hanggang sa hindi na namin makaya. Hanggang sa simulan na kaming paputukan ng mga bata ni vice-mayor. Nahagip ng bala ang likod ni Amy dahilan upang madapa ito. Habang inaalalayan ko siya, binigay niya sa akin ang pera at mga natirang shabu. Ibenta ko raw ang mga ito at gamitin ang pera upang magpakalayu-layo at magbagong-buhay. Pagtapos noon, ay itinulak niya ako papalayo. Alam ko na ang ibig niyang sabihin. Gusto niyang tumakas na ako at iwan siya. Hindi na ako masyadong nakakakita dahil sa mga luhang namumuo sa aking mga mata. Nilapitan ko siya at saka niyakap sa huling pagkakataon. Halos nahihirapan na siyang huminga, nakikita ko sa kanyang itsura, wala nang tsansa pang mabuhay ito. Lumalabas na ang mga dugo sa bibig at ilong nito. Papalapit na rin ang mga bata ni vice-mayor. Wala na akong iba pang nagawa kundi kunin ang aking baril at at saka ipinutok kay Amy. Kahit ganoon, alam kong mas panatag ang loob ni Amy. Pagkatapos noon ay dali-dali akong tumakas dala ang mga natirang pera at shabu. Umuwi ako sa bahay ng ate ko at doon na nagpalipas ng gabi.
Kinabukasan, kumalat agad ang balita.
“ Isang wanted drug pusher ang natagpuang patay at naliligo sa sarili nitong dugo sa harap ng isang tindahan”, ang sabi ng radio.
Pagkatapos noon ay pinatay ko ang radyo at saka nagpatuloy sa pagtulog na may luha sa mga mata.
Iyon ang nangyari sa amin dalawang taon ang nakakaraan. Ngayon, eto na rin ako, pinagpapatuloy pa rin ang nasimulan naming trabaho. Masaya ako noong araw na iyon. Ewan ba, hindi ko alam, pero siguro kasi nakita ko ang mga kaklase ko noong highschool. Ang iba sa kanila maganda ang buhay, yung iba nagsisikap ng todo. Naiiyak rin ako nang maalala ko ang napakasaya naming alaala noon sa tuwing nagkukuwentuhan sa aming mga pangarap.
Pagalabas ko ng gate, ay may pumutok. Naramdaman ko rin ang isang mainit na bagay na bumaon sa aking tiyan. Hinawakan ko ito at nagulat sa pag-apaw ng dugo. Tiningnan ko kung sino ang bumaril sa akin. Nakita ko si vice-mayor na siya namang mayor na ngayon kasama ang mga pulis. Ako ang binintangan nitong ulo umano ng mga drug pusher sa aming lugar. Ang sunod ko na lang na narinig ay isang utos mula sa kanya at sunud-sunod na ang putok ng mga baril na aking narinig at saka ako bumagsak sa lupa.
No comments:
Post a Comment