Monday, August 23, 2010

Tama na Juan!


Matapos nating makamit ang kalayaan sa kamay ng mga kastila noong ika-12 Hunyo1898, dumako naman ang atensyon  ni Aguinaldo sa pagsasaayos ng mga pinsalang iniwan sa atin ng mga nakaraang digmaan. Masasabi kong , maselan ang kalagayan ng ating bansa sa panahong ito. Hanggang sa dumating ang mga Amerikano at Hapon sa ating kasaysayan. Marahil ang mga sunud-sunod na pananakop sa atin ng mga dayuhan ang nagbigay daan sa pagkakaiba-iba ng ating mga kultura’t paniniwala na siya namang nakakaapekto sa asal at kilos nating mga Pilipino.
Matapos lagdaan ang 1935 Konstitusyon sa panahon ng Komonwelt ni Manuel L. Quezon, ay naghangad si Quezon na magkaroon na ang bansa ng isang pambansang wika. Isang wika na maiintindihan ng lahat. Tagalong ang naging pambansang wika sa panahong ito. Hanggang noong 1987, ay naaprubahan na Filipino ang magiging katawagan sa wikang pambansa at hindi na tagalog. Noong panahong yon, ang sarap sigurong isiping may sarili na tayong wika, at hindi na kastila ang wikang gagamitin na magpapaalala lamang sa atin ng malagim na nakaraan. Ngunit makalipas lamang ang 20 taon, bakit parang kaunti nalang sa mga pinoy ang nakakaalam ng pambansang wika? Ito kaya’y dahil sa ito’y atin lang binabalewala?
Ayon din kay Rizal “ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit sa mabaho at malansang isda”. Gasgas na nga. Ilang beses nang sinabi yan ng  mga guro natinsa elementarya. Ngunit bakit ang karamihan sa mga akda ni Rizal ay nakasulat sa ibang wika at hindi sa Filipino o tagalong man lang? Partikular na sa wikang kastila. Si Bob Ong din,may nasabi sa isa niyang libro tungkol sa ating mga pulitiko. Sabi niya, bakit daw kapag panahon ng eleksyon, tagalog kung kausapin ang mga tao na siya’y botohin, at ‘pag nahalal na, ang lalim naman ng mga ingles na gagamitin kung saan yung mga matatalino at nakaka-angat lng ang nakakaintindi. Hay naku, tayong mga Pilipino nga naman oo.
Noong ngang  nabalita na pasok sa unang sampu ang ating bansa sa galing ng pag-iingles., abay, taas noo tayo at sinasabing “ Pilipino ako! “. Ngunit mismong pambansang awit , hindi nga maikanta ng tama at maayos. Ang bunga, hindi naging maunlad ang ating wika. Tingnan natin ang nga Hapon, napakayaman ng kanilang wikang nihonggo, ni hindi  ka masyado makakita ng nag-iingles. At tingnan ang ekonomiya nila, hindi ba’t mayaman sila? Ako mismo, naniniwala akong malaki ang maitutulong ng mayamang wika ng isang bansa sa kaunlaran nito. Sabi nga ni Barker at Barker (1995), ikinukunekta ng wika ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Iniingatan din nito ang ating kultura at mga tradisyon. Ngayon, paano natin mapangangalagaan ang ating kultura at tradisyon kung dahan-dahan namang namamatay ang ating wika. Palibhasa kasi, ibang kultura ang sinusunod, mas gusto kasing tawaging sosyal. Mula ng dumating sa bansa ang mga sikat na mga koreano, aba’y halos hindi makahinga ang mga ito sa pagyakap sa kanila ng generation Y. Magugulat ka na nga lang kung sasabay pa ang mga ito sa pagkanta gamit ang mga wikang hindi mo alam kung saan kinuha. Pati porma, gagayahin pa. Ngayon, kinokolonya nanaman ulit tayo. Hindi mo siguro alam, alipin ka na nila.
Nabasa mo na ba kahit isang beses man lang ang Ibong Adarna, Florante at Laura, Noli me Tangere at El Filibusterismo? Ang ibig kong sabihin, mula harap hanggang likod. Marahil “oo” ang sagot mo, salamat kay maam na ginawang lesson ito at nabasa mo ito. Pero siguradong ilang beses mo nang nabasa ang Harry Potter, at maging ang Twilight Saga kahit hindi inutos ni maam. Alam kong alam mo ang Spoliarium, pero alam kong mas kilala mo si Mona Lisa. Paborito mo rin siguro si Regine Velasquez, pero mas gusto mo si Mariah Carey, Beyonce at Lady Gaga. Naabutan mo rin naman ang Sexbomb at Viva Hot Babes, pero ano namang laban nila sa 2NE1, Girl’s Generation at 4 minute.
Kita? Marahil ay naalipin  ka na, hindi mo lang namamalayan. Minsan nga, mas tinatangkilik pa natin ang mga produktong galing sa labas kaysa sa sariling atin. Pero kapag sinuri mo, galing rin pala sa atin, pinalitan lang ang pangalan at pinamahal. Nakakatawa hindi ba? Natatakot kasi tayong matalbugan ng iba. Kung anong meron si mare, dapat meron ka rin at kung anong meron si pare, dapat mas mahal pa yung sa iyo. Ang ugali nating ito ay nagtuturo sa kung ano ang kalagayan natin bukas. At kapag natalbugan, doon naman papasok ang chismis at mag-aaway na. Ang hilig rin nating pumuna sa kapwa. Kapag may artistang sumisikat, sasabihin, mayabang na ito.
Ang ugali rin nating manyana habit ang isa sa mga dumudungis sa ating pagka-pilipino. Bakit ba kasi ipagpapabukas pa ang dapat nang tapusin ngayon? Ang pagiging laging huli rin natin sa ating mga lakad ang isa sa mga nakikita kong butas ng hindi natin pagiging maunlad. Isa pa, kaydami ng mga taong laging tumutuligsa sa pamahalaan. Reklamo dito, reklamo doon, puro rally ang ginagawa. Pero minsan ba, nakapagpatupad ba sila ng solusyon? Pinapalala lang nila ang ating sitwasyon.
Matalino ang pinoy, alam natin yan. Patunay jan ang mga kababayan nating TNT sa ibang bansa na  nakakasurvive pa rin . Pero tandaan din natin , hindi sa lahat ng oras, puro utak ang dapat na gagana. Ngayon, ano na ang estado ng iyong pagka-pilipino? Marahil ay natauhan ka ngayon, bukas at sa susunod pang mga araw. Pero sa susunod na buwan , natauhan ka pa rin ba? Mahirap tirahin ang mismo mong mga kauri lalo na kung isa ka rin sa kanila. Pero sana , naiisip nating napag-iiwanan na tayo. Nawawala na ang tunay na pagkakakilanlan nating mga Pilipino. Gaya tayo ng gaya, at minsan nagiging inggitera. Sana naman sa susunod, mag-isip ka, kung ang dumarating na bisita sa bansa mo’y nakakatulong o makalalala lang ng ating sitwasyon. Pinoy magbihis ka. Sunugin na ang mabaho’t maruming damit. Magbihis ng maayos at disente nang hindi masabihan ng “copy paste!”. 

No comments:

Post a Comment