Iyan ang mga salitang bumulaga sa monitor ng computer ko.
“Inay, ba’t po walang internet?”, tanong ko kay nanay habang paulit-ulit na pinipindot ang enter key.
“Aba, hindi ko alam anak. Baka naputulan na tayo”, sagot naman niya mula sa kusina.
“Naku, ba’t ngayon pa? ang dami-dami ko pang dapat gawin. Napakarami pa nitong mga research papers na tatrabahuin ko”, marahan ko namang angal. Alam ko namang nagbibiro ang nanay kaya’t sinakyan ko nalang.
“Maya-maya nalang anak, babalik din yan, magbabayad na kasi ako. Isa pa, Noel maglinis ka nalang muna ng bahay, ‘wag iyong puro computer kaharap mo. Mamatay ka ng maaga nyan eh”, ganti ni nanay.
Sumunod naman ako sa iniutos ni nanay. Matapos i-shutdown ang computer at ibalik ang nakapatong ditong pantakip na tela ay umakyat na rin ako. Nagbihis ako ng medyo marumi nang damit at naglagay ng panyo sa ilong, parang ninja. Ganito kasi ako magdamit sa tuwing naglilinis.
Una kong nilinis ang aparador ko. Inalis ko muna yung mga gamit sa itaas nito at saka ito winalis at pinunasan. Pagkatapos noon ay isa-isa ko namang binalik ‘yong mga gamit. Habang binabalik ko ‘yong kahon na medyo may kalakihan, aksidente ko itong natapon dahil sa ipis na gumapang sa braso ko mula sa kahon dahilan upang mabuksan at kumalat sa sahig ang mga laman nito. Mga laruan ko pala noong bata pa ako ang laman nito. Ibat-ibang klase, may maliit na dump truck, racing cars, robot-robot, de-remote na eroplano at pati luto-lutuan.
“Mabuti walang manika”, pagbiro ko sa sarili.
Iyong iba sa mga laruan ko dati sira na. Wala nang ulo yung robot, ang racing cars, wala nang gulong, wala na ring pakpak ang de-remote kong eroplano at yung walkie –talkie ko na Jollibee, wala nang pindutan. Kakaunti nalang yung medyo matino pa at kaya pang magamit ng ibang bata. Naaalala ko, dapat na pala sana itong itapon dahil istorbo na at nakakadagdag sa basura sa bahay, pero dahil salbahe akong bata at nagwala ako, hindi na itinuloy ni nanay ang pagtapon sa mga ito. Ganoon ako kamahal ng mga magulang ko, pero hindi naman ako spoiled. Nag-iisa pa kasi akong anak, fourth year college na ako at hindi pa rin nasusundan. Ewan ko kina nanay at tatay kung may plano pa silang bigyan ako ng kapatid. Minsan nga naiisip ko, ampon kaya ako?
Natigil lang ang pagmumuni-muni ko ng biglang tumunog yung laruan kong telepono dahil aksidente ko itong naupuan na siya namang ikinagulat ko.
“Ayayay…I’m your little butterfly, green, black and blue make the colors of the sky..”, paulit-ulit nitong tunog.
Dinampot ko ito at sinubukang patahimikin dahil nakaka-irita na ang paulit-ulit nitong tunog pero hindi ko makita ang pindutan kaya inihagis ko nalang at tumigil nga.
Isa-isa ko nang pinapasok sa kahon yung mga laruan nang makakita ako ng parang isang maliit na photo album. Kulay itim ito na may disenyong swirls sa borders na kulay silver. Medyo makapal din at mukha pang bago. Binuksan ko ito para malaman kung may itinatagong misteryo ang mga magulang ko sa aking pagkatao. Kinakabahan na ako at nagpapawis na ang kili-kili ko. Pero pagbukas ko, bigla akong natuwa na para bang bata na nanalo sa tig-pipisong bunut-bunutan sa eskwelahan.
Ito pala ang matagal ko nang nawawalang “Life Diary”. Oo tama ang nabasa mo, diary, ang corny diba? Proyekto kasi namin ito noong fourth year highschool ako. Pinagawa kasi kami ng magaling naming English teacher ng parang record ng buhay namin mula kindergarten hanggang fourth year highschool. Lagyan daw namin ng mga litrato at isulat ang mga hindi namin malilimutang karanasan sa bawat baitang. Ang corny naman ni maam. Kaya naman ilang linggo ko rin itong pinagpuyatan para maging maganda. Pero ilang araw bago ang deadline nito na March 10, nag-leave si maam dahil pumunta ng America at sa susunod pang taon ang balik. Sobrang dismaya kami ng mga kaklase ko sa nangyari dahil ilang araw nalang ay ipapasa na namin ito. Yung iba sa amin ay tapos na kabilang ako, samantalang yung iba, sobrang nagsasaya dahil ni isang pahina, wala pang nasisimulan. Kaya ayun, sa sobrang pagka-inis ko ay tinapon ko ito kahit saan at hindi ko alam na napasama pala ito dito sa mga laruan ko.
Dahan-dahan ko nalang itong binuklat at binasa ang mga sinulat ko dito halos apat na taon na ang nakakalipas. Para akong nag-time travel dahil sa diary at hindi ko mapigilang ngumiti sa mga nababasa ko. Sa unang baitang ko sinimulan ang pagsusulat dahil hindi na ako dumaan ng kindergarten. Hindi dahil sa matalino akong bata kundi ninang ko yung principal na nagpapasok sa akin.
*Hindi malilimutang karanasan:
- Natae sa school uniform yung seatmate ko. Ang baho, sobra! Nawalan ako ng gana pag-recess.
- Naglaro kami ng text ng mga kaklase ko, nanalo ako kaya’t umiyak siya. Nagalit si maam kaya binalik ko lahat ng text na natalo niya.
- Hinabol kami ni dodong baliw habang papunta sa eskwelahan. Umiyak ako ng sobra at tumigil lang nang hinabol na siya ng aso.
- Pinagalitan kami ni maam dahil sa sobrang ingay. May kaklase akong balat sibuyas, umiyak siya at narinig ng nanay at saka nagalit ito.
- Boy scout namin, nawawala yung kalabaw sa scarf ko, kaya yung pang girls scout ang nilagay ni nanay. Pagdating ng paaralan, pinagtawanan ako.
- First honor dapat ako nung grade I, pero niregaluhan si maam ng imported na damit kaya second honor nalang ako.
Ilan lang ang mga ito sa mga hindi ko malilimutang karanasan noong grade I ako. Yung iba, hindi ko na isinulat kasi nakakapagod na. Patuloy ko pang inisa-isa at binasa ang bawat pahina at tiningnan ang mga litrato. Napaisip tuloy ako, ang cute ko pala noong bata pa ako. Ni hindi kailangang masyadong mag-ayos, artistahin nang tingnan.
Dumako naman ang pansin ko sa pahina noong grade II ako. Naalala ko, may mga intern teachers kaming sobrang sungit. Dalawa silang magkaibigan, isang payat at isang mataba. Kapag andyan si maam, animo mga anghel sa sobrang kabaitan na pinapakita, pero ‘pag wala si maam, ayon, parang isa sa mga senaryo ng mga sikat na mga kontrabida. Palo dito, palo doon. Pasusulatin kami ng pagkahaba-haba at pababasahin ng ilang pahina. Minumura kami at minsan kinukurot sa tagiliran. Child abuse talagang matatawag yung ginagawa nila. Mabuti nga at walang nagsumbong sa amin kundi hindi ko alam kung saan sila pupulutin. Nawala nalang silang bigla sa klase namin nung nasunog yong eskwelahan nila, nalugi ata.
Sumali din ako dati nung kandidato-kandidata sa eskwelahan. Yung bibigyan kayo ng puting sobre na lalagyan ng pera, at ang may pinakamaraming pera ay ang hari’t reyna. Syempre, hindi kami ganoon kayaman kaya’t first runner-up lang ako. Tatlong daang piso nalang sana, hari na ako. Dati rin, hindi agad pinapa-uwi ni maam ang mga hindi marunong magbasa. Pero dahil medyo matalino ako, lagi akong nakakauwi ng maaga dahil medyo mabilis na rin akong magbasa.
Nung grade III naman ako, hangang-hanga talaga ako sa mga nahuhulog na dahon ng mahogany sa tuwing humahanagin ng malakas sa eskwelahan. Agad akong tumatakbo at sinasalo ang mga nahuhulog na mga dahon, pakiramdam ko, nasa ibang bansa ako. Tumigil lang ako nang isang araw habang paikot-ikot na sumasalo ng mga dahon ay nahulugan ako ng isang buong bunga ng mahogany dahilan para dalhin ako ni maam sa clinic at pagalitan ni nanay. Nakakatawa nga, hindi ko alam pero parang iba talaga ang takbo ng imahinasyon ko kahit noong bata pa ako.
Siyempre, sino ba naman ang makakalimot sa pinakasikat na parusa noong elementary? Ang walang kamatayang “seat-on-the-air”. Ilang beses na ako nakatanggap ng ganitong parusa, mas malaki pa ang numero kaysa sa edad ko ngayon. Minsan, nilalagyan rin ni maam ng mga libro yung kamay habang ginagawa ito sabay palo minsan sa pwet. Noong grade IV naman ako, napakahilig maglaro ng chinese garter at jackstones ng mga kaklase ko. Naalala ko, sa tuwing lumulundag mga kaklse ko pag-abot sa garter, puwesto naman sa kabilang banda yung mga lalaki kong classmate. Alam niyo na siguro kung anong kapilyuhan ang ginagawa. Tapos maya-maya kahit nasa kalagitnaan pa ng kasiyahan sa paglalaro, magugulat nalang kami kasi takbuhan na sila papunta ng room kasi andyan na raw yung mga pakialamerong student officers at aagawin ang mga “pinagbabawal na laruan”. Naisip ko tuloy, bawal pala ang mga ito?
Hanggang sa noong grade V ako ay medyo nabago ang takbo ng buhay ko. Sabi kasi ng adviser naming na mga dalaga’t binata na raw kami kaya’t dapat ay huwag na masyadong malikot. Opo naman kami ng opo lalo na yung mga babae kong kaklase. Pero pagbreak time, ayun, hinahamon ang mga grade IV at III sa Chinese garter. Nag-gardening na rin kami nung grade V ako. Nagtanim kami ng petchay, kamatis at camote tops doon. Masayang-masaya kami lalo na kung nabubuhay yung mga itinatanim namin. Inaalagaan talaga namin ito ng mabuti at hapon hapon namin itong binibisita at dinidiligan. Matapos ang ilang buwan ay handa na itong anihin nang biglang dinalaw kami ng malakas na ulan sa nagsanhi ng pagbaha at pagkamatay ng mga tanim namin.
Masayang-masaya din ako dati kung napipili akong manguna sa pagbigkas ng Panatang Makabayan. Pagkatapos ay kami rin ang mangunguna sa morning exercise sa entablado. Marami rin akong naging papel sa iba’t ibang mga pagsasadula namin tuwing buwan ng wika. Naging heneral, alipin, sundalo sa death march, ama ni Jose Rizal, binaril sa giyera, guwardiya sibil, inaabusong bihag sa kulungan at ang pinakamatino kong papel, ang masakiting hari sa ibong adarna. Wala naman akong magawa sa mga papel na binigay ni maam. Ayos lang din naman sa akin dahil ayokong magsaulo ng mahahabang linya sa isang dula. Sa tuwing buwan ng nutrisyon naman, halos maubos ang mga bunga ng gulay at prutas namin sa bakuran kasi dinadala ko sa eskwelahan. Mas maraming dala, mas maraming puntos.
Nang tumuntong na ako ng grade VI, ay medyo nabawas-bawasan na nag pagkabata ko. Madalas na kasi akong sumasali sa mga contests sa labas at loob ng eskwelahan. Hindi na kami masyadong nakakapaglaro ng mga kaklase ko. Student officer na rin ako kaya’t maingat din sa mga kilos para respetuhin kami ng mga nakakabata sa amin. Nakakapagod maging student officer. Maaga kami pinapapunta sa eskwelahana dahil kami ang magpapapunta sa mga bata sa covered court para sa flag ceremony. Tapos noon ay sa gate na kami tumatambay para ilista naman ang pangalan ng mga nahuhuli at pinapapulot ng basura. Minsan nga pati principal namin, late comer.
Nagtapos ako ng elementary na puno ng kaligayahan. Kahit na first honorable mention lang ako, masaya naman. Ang buhay namin na nagsisimula sa simpleng asaran tapos maya-maya pisikalan na, mga benta ni maam na dapat maubos kundi lagot kami at iba’t ibang uri ng mga guro na may iba’t iba ring pag-uugali.
Noong nag-highschool na ako, aba, ibang-iba na nga talaga ang buhay. Panibagong paaralan, panibagong mga kaklase. Kung dati wala akong pakialam sa uniform ko, ngayon halos masunog na ito sa paulit-ulit kong pagplantsa masiguro lang na wala itong kunot. Hindi na rin ako nagbabag ng malaki at nagdadala ng lunch box. Yung subject lang na nagchecheck ng notebook lang ako meron.
Nang nag-highschool ko rin nakilala ang taong unang nagpatibok ng aking puso, si Laika. Crush ko siya simula second year highschool ako at naging nobya ko siya noong fourth year na kami. Siya rin ang nagdagdag ng kulay sa highschool life ko. Kumpara noong elementary, mas makulay at mas puno ng kapilyuhan ang highschool years ko.
*Hindi malilimutang karansan:
- Nagsuntukan kami ni Bert nang dahil sa isang bolpen.
- Pinalinis sa public C.R na sobrang bango.
- Pag-papacute sa canteen tuwing recess kasama ang barkada.
- Nakatanggap ng detention dahil sa pag-cutting classes.
- Pagtago sa likod ng class building sa tuwing haircut inspection.
- Sumakay sa jeep pauwi na hindi nagbabayd ng pamasahe.
- Magpasaway sa CAT formation.
- Makakain ng panis na spaghetti noong J.S Prom.
- At higit sa lahat, ang makilala si Laika.
Naalala ko rin dati, muntik na kaming hindi grumaduate dahil sa napakatinding away noon ng PTCA. Hindi ko alam kung anong dahilan pero malamang tungkol iyon sa pera. Pero mabuti nalang at naayos iyon at natuloy ang aming graduation. Nung araw din ng graduation ay nakita ko ulit yung iba na bigla nalang nawala ilang buwan bago ang graduation. Malalaki na ang tiyan ng mga ito. Pero kahit ganoon, walang pakialam ang mga ito. Pakiramdam nga nila, sikat na sikat sila.
Ilan lang ‘yan sa mga kabulastugan namin noong highschool. Pero kahit na ganoon ay naging medyo matino rin naman ako sa pag-aaral ko. Madalas pa rin akong sumasali sa mga contest sa loob at labas ng school. Magaling rin pala ako sa larong soccer na siya ring dahilan para makapunta ako noon sa Palawan para sa palarong pambansa.
“Noel, baba na! manananghalian na tayo!”, tawag ni nanay mula sa kusina.
Tumingin ako sa relo ko at nalamang alas dose na pala, hindi ko namalayan ang oras. Nawili kasi ako kakabusisi sa diary ko. Naisip ko lang, ganito pala kasaya ang buhay ko noon, hindi gaya ngayon na puro nalang computer kaharap ko. Mas masarap makipagtawanan at tuksuhan sa barkada habang nagpipicnic kaysa makipag-chat. Mas masaya ang tunay na gardening kaysa Farmville. Masaya naman pala ako dati pa bago ko pa maramdaman ang maging god-like. Mas masaya ang paglalaro ng baril-barilan na may balang cherry kaysa sa counter strike.
Sayang nga lang at pakiramdam ko ay hindi na ito mararansan pa ng mga susunod pang henerasyon o maging ng anak ko. Tiyak rin na hindi na kasing saya ng buhay bata ko ang buhay bata nila.
Nagbihis na ako ng matinong damit at saka bumaba para samahan si nanay sa pagkain.
“Oh, masaya ka ata?”, bungad ni nanay.
“Wala po ‘nay, may nakita lang po ako”, sagot ko naman.
“Oh sige, maghugas ka na ng mga kamay at kakain na tayo. At isa pa, bumalik na ang internet”, sabi ni nanay.
Pumunta muna ako sa computer upang i-send ang mga files na kailangan ng kaklase ko. Kanina pa kasi niya ako kinukulit sa text. Tapos at binasa ko muna yung bagong labas na manga ng paborito kong anime. Habang nagse-send ay inutusan naman ako ni nanay.
“Noel, paki-tweet nga papa mo, pakitanong kung anong oras siya uuwi mamaya, naka mobile yun eh. Saka paki-tag si tita Lisa mo sa mga pictures ng outing natin noong isang linggo, gusto daw niyang makita.”
“ Isa pa anak, ikaw ha, ba’t mo ako in-invade?mabuti na-repel ko at rank 58 na pala ako sa tetris.”